Martes, Disyembre 13, 2016


Ang sabi ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” kaya’t responsibilidad ng ating bansa at lahat ng mamamayan na kayo ay pangalagaan at protektahan. Bilang isang mahalagang bahagi ng iyong komunidad, ating pag-usapan ngayon ang mga bagay na nararapat para sa iyo at sa lahat ng batang tulad mo.
Bawat bata sa ating mundo ay may pangalan, may karapatan. Iyan ay isang linya mula sa sikat na awitin ng Apo Hiking Society. Pamilyar ka ba sa salitang karapatan? Alam mo ba ang mga bagay o pangangailangan na dapat mong makamtan bilang isang bata? Halika’t isa isahin natin ang iyong mga karapatan.


 Karapatang Isilang



Ang bawat bata ay may karapatang maipanganak, mabigyan ng pangalan, mabuhay, at matamasa ang pagkamamamayan ng bansa. Kaya’t nasa tiyan ka pa lamang ng iyong ina ay inaalagaan kana para masigurong ikaw ay lumalaking malusog.


  Karapatang Magkaroon ng Pamilyang Magmamahal at Mag-aaruga

Mahalaga ang pamilya sa paglaki ng isang batang tulad mo dahil ito ang unang nabibigay ng pagmamahal at pag-aalaga. Naipapakita ito ng iyong mga magulang sa pamamagitan ng pag-aasikaso at pagbibigay ng iyong mga pangangailangan. Para sa mga batang naulila o wala ng magulang ay kinukupkop sila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para masiguro na hindi sila mapapabayan at lumaki sila ng maayos.


3     Karapatang Maging Malusog at Malakas


Ang magulang ang nagbibigay ng pagkakataong lumaking malusog at malakas ang isang bata. Mula sa sinapupunan ng iyong nanay ay inaalagaan ka na para ikaw ay maging malusog. Hanggang sa iyong paglaki ay binibigay ng iyong mga magulang ang lahat tulad ng masustansiyang pagkain, malinis na damit at maayos na kapaligiran upang ikaw ay lumaking malusog at malakas.

        Karapatang Maglaro at Maglibang


Guso mo ba ang mag-laro? Ano ang mga paborito mong libangan? Ang mga simpleng bagay na ito ay nakakatulong din sa iyong paglaki. Sa paglalaro ay nagiging masaya ka, natututo ka ng mga mabubuting asal tulad ng pakikisama, disiplina at sportsmanship.

       Karapatang Makapag-aral


Ang unang nagtuturo sa iyo ay ang iyong mga magulang at kapag ikaw ay nasa tamang edad na, kinakailangan mo ng pumasok sa isang paaralan para higit pang lumawak ang iyong kaalaman at karanasan. Sa paaralan din natutunan mo ang paggawa ng mga bagay sa iyong sarili at ang pagiging mabuting mamamayan pagdating ng panahon.

      Karapatang Malinang ang Taglay na Kakayahan


Mahilig ka bang umawit, umayaw, o kaya naman ay gumuhit? Ano ang iyong talento? Ang talino at kakayahang mayroon ang isang bata ay bigay ng Diyos. Saang larangan ka man magaling, ikaw ay dapat mabigyan ng pagkakataon na malinang at mapaghusay pang lalo ang iyong mga kakayahan.

      Karapatang Mamuhay nang Payapa at Ligtas

Sa tahanan pa lamang ay dapat na maranasan at maramdaman ng isang bata ang kapayapaan. Kailangang mailayo ang bata sa anumang pang-aabuso, pagmamalupit at krimen. Katuwang ng mga magulang na masiguro na ikaw ay lalaki sa payapa at ligtas na lugar ang simbahan at ang buong komunidad.

     Karapatang Maging Malaya sa Pananampalataya.


Bilang isang bata, ang mga itinuturo ng nakagisnan mong paniniwala ang iyong sinusunod na paniwalaan. Makakapili ka lamang ng gusto mong paniwalaan kapag lumaki at nagkaisp ka na. Malaya kang makapipili ng iyong pananampalataya.


Ang Kabataan Ngayon






Bagama’t may batas na nag-saad at nagbibigay proteksiyon sa lahat ng kabataang Pilipino, hindi pa rin natin maikakaila ang malungkot na katotohan na marami pa ring mga bata ang nakararanas ng karahasan, kapabayaan at kahirapan
Ang hamon ngayon sa mga taong nakakaalam ng mga batas na ito na ibahagi ang mga ito sa iba upang magising din ang kanilang kamalayan sa pangangalaga sa mga bata. Kung may nakikita kang hindi tama dapat ipagbigay ito sa kinauukulan upang mabigyan ng tamang aksyon.



                                                                                                                      
Sanggunian: Bagong Lakbay ng Lahing Pilipino 2 ni EmilyV. Marasigan